Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos 13: 24-32
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. At makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na panig ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako.
“Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos: kapag sumisipot na ang mga dahon sa sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayun din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang panahon ng pagparito niya – nagsisimula na. Tandaan ninyo: magaganap ang mga bagay na ito bago mamatay ang mga taong nabubuhay sa ngayon. Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko’y hindi magkakabula.
“Ngunit walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man – ang Ama lamang ang nakakaalam nito.”