Ang MABUTING BALITA
ayon kay San Lucas 19, 28-40
Noong panahong iyon: Nagpauna si Hesus patungong Jerusalem. Nang malapit na siya sa Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagi’y Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawang alagad. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na bayan. Sa pagpasok doo’y matatagpuan ninyo ang isang bisirong asnong nakatali; hindi pa ito nasasakyan ninuman. Kalagin ninyo at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalag, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon.” Kaya’t lumakad ang mga inutusan at natagpuan nga nila ang asno, ayon sa sinabi sa kanila ni Hesus. Samantalang kinakalag nila ito, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalag iyan?” “Kailangan ito ng Panginoon,” tugon nila. Dinala nila kay Hesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya’y pinasakay nila. Nagpatuloy si Hesus sa kanyang paglalakbay at sa kanyang daraanan nama’y inilalatag ng mga tao ang kanilang mga balabal. Nang malapit na siya – palusong na sa libis ng Bundok ng mga olibo – nagsigawan sa galak ang buong pangkat ng mga alagad at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kababalaghang nasaksihan nila. Ang wika nila, “Purihin ang hari na dumarating sa ngalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Purihin ang Diyos!”
Sinabi sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, sawayin mo nga ang iyong mga alagad.” Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo: kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.