October 19, 2023 – Sa isang makabuluhang hakbang tungo sa mapayapa at ligtas na halalan, matagumpay na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) ang SIMEX o Simulation Exercise sa Lungsod ng Bacoor. Layunin nito ang palakasin ang kakayahan ng iba’t-ibang mga ahensya sa pagtugon sa mga potensyal na pangyayari sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Kasama sa pagsasanay na ito ang pagpapalaganap ng kooperasyon sa pagitan ng Bacoor Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bacoor Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRMMO) upang maging handa sa anumang posibleng pangyayari tulad ng mga protesta o anumang paglabag sa seguridad.
Sa pangunguna nina Deputy Chief of Police PMAJ Amadeo Baby Estrella III, PLTCOL John Paulo Vivas Carracedo, at BDRMMO Head Richard Quion, naging bahagi ng pagsasanay na ito ang mahigit 150 participants mula sa mga nabanggit na ahensya.
Isa rin sa mga natatanging bahagi ng Simulation Exercise na ito ang paggamit ng bagong Command Center ng BDRRMO na kinilala sa moderno at kumpletong mga kagamitan nito. Sa katunayan, ito ang naging paboritong lokasyon para sa ganitong uri ng pagsasanay, kung kaya’t dalawang beses nang naganap ang SIMEX sa Lungsod ng Bacoor.
Personal namang naglaan si Mayor Strike B. Revilla ng mga tauhan mula sa Pamahalaang Lungsod ng Bacoor upang tiyakin na ang pamamahala ng SIMEX ay mahusay at epektibo.
Ipinakikita rito ang dedikasyon ng Lokal na Pamahalaan sa pagpapahalaga sa kaligtasan ng kanilang mamamayan gayundin ang pagtataguyod sa kanilang misyon na magkaroon ng mapayapa at ligtas na halalan para sa kapakinabangan ng kanilang komunidad.
Please like and follow our official social media accounts:
Instagram: https://www.instagram.com/citygovtbacoor/
StrikeAsOne Viber Community: https://invite.viber.com/…
Maraming salamat po.