Isang pagpupulong ang naganap kahapon sa pagitan ng City Government ng Bacoor, DPWH Reg4A (RD Samson Hebra), at DE Donnie Cuna para mabigyan ng lunas ang maraming suliranin sa pagbaha sa ating lungsod. Tayo ay lubusang naalarma sa pagbaha noong Linggo sa Aguinaldo at Tirona Highway sa ilang oras lang na pag-ulan. Sinita natin ang proyekto sa may tapat ng SM City Bacoor. Inutusan nating madaliin ang proyektong ito para magtuloy-tuloy ang daloy ng tubig sa ilog mula Panapaan. Pinakiusapan natin na papondahan ang ilan pa sa mga proyektong revetment at pagpapalapad ng ating mga ilog para mabigyan ng mas malaking daan ang malaking volume ng tubig pag tag-ulan. Isang JICA study ang prinisinta na sa atin para mabigyan ng lunas ang ilan sa mga isyu ng pagbaha. Napag-usapan din ang flyover project sa may SM Molino para sa usaping trapiko sa lugar na ito.