Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Kagalang-galang na Teofilo:
Marami na po ang nagsikap na, sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa gitna namin. Ang kanilang sinulat ay ayon sa sinabi sa amin ng mga nakasaksi nito buhat sa pasimula at nangaral ng Salita. Matapos na ako’y makapagsuri nang buong ingat tungkol sa lahat ng bagay na ito buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat ng isang maayos na salaysay para sa inyo upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga bagay na itinuro sa inyo.
Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Galilea, at sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kumalat sa palibot na lupain ang balita tungkol sa kanya. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga; at dinakila siya ng lahat.
Umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:
“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
at sa mga bulag na sila’y makakikita;
upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
at ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”
Nilulon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.