Bacoor, Cavite – Isang makulay at masayang gabi ang nasaksihan ng mahigit dalawang daang miyembro ng LGBTQ community mula sa iba’t ibang lungsod sa kauna-unahang Pride Ball na inorganisa ng Bacoor City Tourism kahapon, Hunyo 28, 2024.
Ang Pride Ball ay isa sa mga aktibidad ng Bacoor City Tourism para sa Pride Month, na naglalayong itaguyod ang kamalayan at pagkilala sa karapatan ng LGBTQ community. Suot ang kanilang magagarbong kasuotan na akma sa temang “Fairies and Magical Creatures,” nagpakitang-gilas ang mga kalahok at nagbigay-buhay sa gabi ng kasiyahan at pagkakaisa.
Nagbigay naman ng kanilang suporta at pagbati ang mga opisyal sa pangunguna ni Mayor Strike B. Revilla sa pamamagitan ng video message, Vice Mayor Rowena Bautista-Mendiola, kasama ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod.
Nagkaroon din ng iba’t ibang paligsahan tulad ng Face of the Night, Star of the Night, Headturner of the Night, Best Dress of the Night, King of the Night, Queen of the Night, at Couple of the Ball. Binigyan din ng sertipiko ang lahat ng dumalong LGBTQ bilang pagpapahalaga sa kanilang pakikilahok.
Nag-uwian ang lahat ng may ngiti sa labi at pag-asa sa puso, dala-dala ang alaala ng isang gabi ng kasiyahan, pagmamalaki, at pagkakaisa. Ang unang Pride Ball ng Bacoor ay patunay na ang lungsod ay isang tahanan para sa lahat, anuman ang kanilang kasarian at pagkakakilanlan.