Bacoor City, Hulyo 10, 2025 — Pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor sa pamumuno ni Mayor Strike B. Revilla, sa pamamagitan ng Housing Urban Development and Resettlement Department (HUDRD) na pinamumunuan ni Atty. Aimee T. Neri, ang pamamahagi ng pinansyal na tulong para sa mga pamilyang informal settlers na naapektuhan ng mga proyekto ng gobyerno.
Mahigit 156 na pamilya mula Barangay Zapote III na naapektuhan ng mga government infrastructure projects at kautusan ng Supreme Court Mandamus Order, pati na rin ang 182 pamilya mula Barangay Talaba II na naapektuhan ng LRT Line 1 Extension Project, ang tumanggap ng ayuda. Ang mga pamilyang ito ay nailipat na sa General Trias at Naic, Cavite.
Ang pamamahagi ay isinagawa sa Bacoor City Hall Main Lobby kung saan personal na nakipag-ugnayan si Mayor Strike B. Revilla sa mga benepisyaryo upang masiguro ang maayos na pagtanggap ng tulong. Ipinahayag ni Mayor Strike ang kanilang patuloy na suporta at pangako na tutugunan ang mga pangangailangan ng mga relocatees habang sila ay nagsisimula ng bagong yugto sa kanilang buhay.