Inaanyayahan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, katuwang ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, ang Pamahalaang Panglungsod ng Bacoor, Cavite; at ang Tanggapan ni Kinatawan Lani Mercado-Revilla ng Ikalawang Distrito ng Cavite, ang lahat sa gaganaping paggunita sa Ika-127 Anibersaryo ng Araw ng Paglalathala at Pagtatanyag ng Kasarinlan ng Pilipinas sa ika-1 ng Agosto 2025, ika-8 ng umaga sa Bahay na Tisa ng Pamilya Cuenca, Lungsod ng Bacoor, Cavite.
Pangungunahan ni Senador Loren Legarda ang paggunita bilang panauhing pandangal. Sasamahan siya nina Tagapangulo Regalado Trota Jose, Jr. ng NHCP, Kinatawan Lani Mercado-Revilla ng Ikalawang Distrito ng Cavite, Punong Lungsod Strike B. Revilla at ng mga opisyal mula sa Lungsod ng Bacoor.
Ang “Pagpupulong sa Bacoor” o “Bacoor Assembly of 1898” ay isang malawakang pagpupulong na isinagawa ng Pamahalaang Rebolusyonaryo sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Emilio Aguinaldo noong ika-1 ng Agosto 1898. Alinsunod sa payo ni Apolinario Mabini, nagtipon-tipon ang mahigit 200 kinatawan ng mga bagong halal na pamahalaang lokal mula sa 16 na lalawigang napalaya na mula sa mga Espanyol sa Bacoor, Cavite na siyang Kabisera ng pamahalaan noong panahon na iyon. Sa naturan pagpupulong, nilagdaan ni Aguinaldo at ng mga kinatawan ang Acta ng Kasarinlan na isinulat ni Mabini bilang tugon sa mga pagkukulang sa naunang Acta de la proclamacion de independencia del pueblo Filipino na ginamit noong ika-12 ng Hunyo 1898. Ang Acta Agosto Uno ang siyang pinagtibay ng Kongreso ng Malolos nag mabuo ito noong ikalawang bahagi ng 1898.
Sa bisa ng Batas Republika Blg. 12073, kinikilala ang ika-1 ng Agosto ng bawat taon bilang special working holiday at ipinaguutos ang pagpapalaganap nito sa mga pambansang ahensyang pangkultura ang kalahalagan ng kaganapang ito sa ating kasaysayan.