Matagumpay na isinagawa ngayong araw, Hunyo 24, 2024, ang “Tara, Basa!” Parents Assembly na inorganisa ng City Social Welfare and Development (CSWD), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Education (DepEd) sa Salinas Elementary School.
Ang nasabing programa ay dinaluhan ni Ms. Khei Sanchez bilang kinatawan ni Mayor Strike B. Revilla, kasama ang mga panauhing pandangal na sina Mr. Feliciano P. Devera Jr., Principal II ng Salinas Elementary School; Ms. Marivic J. Dinglasan, Principal III ng Habay Elementary School; Mr. Adorando R. Darwin, Principal ng Maliksi Elementary School; Mr. Ace T. Evangelista, Principal ng Poblacion Elementary School; Ms. Richie Angeles, Principal ng Mabolo Elementary School; Ms. Rochelle L. Oriel, OIC ng Digman Elementary School; at Mr. Cenin Faderogao, DSWD PDO III – Field Office R4A, kasama ang iba pang mga kawani.
Dumalo ang mahigit 120 magulang ng mga estudyante mula Grade 1 hanggang Grade 4 sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Bacoor. Ang layunin ng pagtitipon ay bigyang kaalaman ang mga magulang tungkol sa “Tara, Basa!” Program, isang inisyatibo ng DSWD at DepEd.
Bilang bahagi ng programa, namigay ang DSWD ng mga maikling kwento para sa mga bata upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagbabasa sa murang edad. Layunin ng programa na pataasin ang kakayahan sa pagbabasa at pag-unawa ng mga papasok na Grade 2 na estudyante upang maging mas produktibong miyembro ng komunidad.
Kabilang din sa programa ang pagkuha ng mga estudyante mula sa Cavite State University (CAVSU) bilang mga tutor sa loob ng 20 araw sa pamamagitan ng isang government internship program. Layunin ng programa na lumikha ng kamalayan sa mga magulang tungkol sa mga epektibong pamamaraan ng pagtuturo sa kanilang mga anak sa bahay, habang binibigyan din sila ng pagkakataong kumita.