Araw ng Lunes, ika-9 ng Nobyembre ay nagpulong ang mga opisyales ng Bureau of Fire Protection ng Lungsod ng Bacoor kasama si Mayor Lani Mercado Revilla upang ibahagi ang Progress Investigation Report kaugnay ng nangyaring sunog sa Barangay Alima at Barangay Sineguelasan noong November 1.
Matatandaan na aabot sa may mahigit 700 kabahayan ang natupok ng sunog na mayroong mahigit 3,500 indibidwal ang naapektuhan. Ang sunog ay naiulat na umabot sa 4th Alarm.
Ayon sa Progress Investigation Report ng BFP-Bacoor sa pangunguna ni CINSP Genalyn Cabasal, ang pinagsimulan ng sunog ay isang bahay sa Barangay Alima na pagmamay-ari ni Julio H. Talay. Ang pangunahing rason ng sunog ay electrical ignition dahil sa loose connection na agad namang nagpaliyab sa bubong ng bahay ni Mr. Talay dahil gawa ito sa nipa.
Walang tao sa bahay ni Mr. Talay nang mangyari ang sunog. Kalakhan din ng kabahayan sa Barangay Alima ay walang mga tao dahil noong umaga ng November 1 ay inilikas sila para paghandaan ang pagdating ng Bagyong Rolly. Ang ilang mga residente na nanatili sa kanilang mga bahay ay walang kuryente noong mga oras na yun.
Ayon sa mga kapitbahay at witnesses na sina Mar G. Claro at Bernardo B. Iso, nakita nila na mayroong sunog sa bubong ng bahay ni Julio H. Talay. Parehong may kuryente sa mga bahay ng witnesses dahil sila ay nanonood ng TV habang nangyayari ang sunog. Agad na nagtulong ang mga kapitbahay na patayin ang apoy pero dahil sa lakas ng hangin ay mabilis ding umabot ang sunog sa katabing bahay nito na pagmamay-ari naman ni JV Lucero na naging sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy.
Umabot sa halos tatlong oras ang sunog bago ito naideklarang fire out. Nag-umpisa ang sunog ng 10:12 PM hanggang 1:28 AM ng November 2. May kabuuang 80 firetrucks at 9 na ambulansiya ang tumugon. Naiulat na may dalawang Bacooreño ang nasugatan, sina Bernard A. Dela Cruz, 25 years old, at Kevin Modesto, 27 years old, na pareho namang nasa mabuti nang kalagayan sa kasalukuyan.
Sa ngayon ay nananatili sa mga evacuation centers ang mga naapektuhan ng sunog habang tuloy-tuloy naman ang tulong na dumarating mula sa iba’t ibang pribadong organisasyon at indibidwal gayundin mula sa iba’t-ibang ahensiya ng pambansang pamahalaan.