Lungsod ng Bacoor, Agosto 1, 2025 — Ipinagdiwang ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (National Historical Commission of the Philippines o NHCP) kasama ang Lokal na Pamahalaan ng Bacoor, sa pangunguna ni Mayor Strike B. Revilla at sa pamamagitan ng Bacoor City Culture, History, Arts and Tourism Office na pinamumunuan ni Mr. Edwin B. Guinto, ang ika-127 anibersaryo ng Araw ng Paglalathala at Pagtatanyag ng Kasarinlan ng Pilipinas.
Pinangunahan ni Senator Loren Legarda ang flag-raising at wreath-laying ceremonies bilang pangunahing tagapagsalita at organizer ng programa. Dumalo rin sa selebrasyon sina Vice Mayor Rowena Bautista Mendiola at Cong. Lani Mercado-Revilla, na matatandaang syang nagtulak ng batas at nagsumikap na makilala ang kahalagahan ng Agosto Uno para sa kalayaan ng Pilipinas. Naroon din ang mga kinatawan ng NHCP sa pangunguna ni Chair Regalado Trota Jose Jr., at ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na si Chairman Victorino Mapa Manalo.
Kasama sa programa ang wreath-laying, pagbigkas ng Acta Agosto Uno na ginampanan ni Ginoong John Arcilla, at talumpati ni Senator Legarda. Ang dokumentong ito ay nagmula sa Bacoor Assembly noong Agosto 1, 1898, na isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas. Bagamat mas kilala ang deklarasyon ng kasarinlan noong Hunyo 12, 1898, ang Acta de Independencia ng Bacoor Assembly ay nilagdaan ng mahigit 185 na mga pinuno mula sa 16 na lalawigan, na nagpapakita ng mas malawak na suporta mula sa mga sibiko at mamamayan para sa kalayaan.
Pinangunahan nina Pangulong Emilio Aguinaldo at Apolinario Mabini ang pagtitipon, na nagpatibay sa pagkakaisa ng mga Pilipino hindi lamang sa larangan ng militar kundi pati na rin sa aktibong pakikilahok ng mga mamamayan sa pagtataguyod ng kasarinlan. Ang Bacoor Assembly ay isang makasaysayang sandali na nagpapatunay na ang kalayaan ay bunga ng sama-samang hangarin at pagkilos ng bawat Pilipino.
Ang pagdiriwang ay ginanap sa Cuenca House, na mas kilala bilang Bahay Tisa, na tinaguriang “First Malacañang” dahil dito unang naglagi si Pangulong Emilio Aguinaldo bilang punong-tanggapan ng pamahalaan. Sa pamamagitan ng pagtitipong ito, muling binigyang-diin ang mahalagang papel ng Bacoor sa kasaysayan at ang di-matatawarang kontribusyon nito sa pagkamit ng kalayaan ng Pilipinas.
Patuloy na itinataguyod ng National Historical Commission of the Philippines at ng lokal na pamahalaan ng Bacoor ang pagpapahalaga sa mga makasaysayang pangyayaring ito upang mapanatili ang diwa ng kasarinlan at pagmamahal sa bayan sa puso ng bawat Pilipino.