Ngayong Pambansang Araw ng Watawat, ating gunitain ang Digmaan ng Alapan noong 1898 kung saan unang winagayway ang ating bandila. Sabay nito’y bigyang pugay natin ating watawat, simbolo ng ating pagmamahal sa Inang Bayan.

“PAGPUPUGAY”
Salute To a Clean Flag Manifesto

Bandilang dinadaan-daanan.
Minsan, hindi man lang tinitingnan.
Hinahayaang kumupas at madungisan.
Punit-punit at watak-watak ang kalagayan.
Ganito rin kaya ang pagtingin sa Inang Bayan?

Kung siya ang sagisag ng ating Lupang Sinilangan,
Hindi ba’t gusto nating tingalain at igalang?
Dahil sa Ating Kasaysayan,
Dahil sa mga bayaning ipinaglaban ang ating Kalayaan,
At sa mga Kawal na patuloy na lumalaban para sa Kapayapaan…
O atin na bang kinalimutan?

Kung siya ay simbolo ng pagiging Pilipino,
Hindi ba’t nais nating hangaan ng mundo
Ang tayog ng ating husay at talino?
Ngunit higit pa rito, ang makilala dahil sa dangal,
Disiplina, at kalinisan ng puso…
O ang halaga ba nito sa atin ay naglalaho?

Itaas mo ang iyong mga mata.
Bawat pagpugay, pagsaludo, at pag-awit
sa bandila ay panalangin sa langit
Para sa isang maningning na kinabukasan:
Kinabukasang walang karalitaan,
Walang katiwalian, walang digmaan.
Kinabukasang may ginhawa, hustisya,
at tunay na pagkakaisa sa buong kapuluan.

Itaas mo ang iyong mga mata,
Itaas mo ang iyong pagtingin sa iyong sarili
Sa iyong kapwa Pilipino. Sa bayan natin
Huwag mong hahayaang magdilim
ang kanyang araw at mga bituin.
Panatilihing matingkad
ang kanyang kahulugan at diwa,
Pakaingatan siya sa isip, salita at gawa,
Itaas mo ang iyong tinig sa panunumpa!
Dahil ang pagpupugay s bandila’y pagmamahal
sa Bansa