Back to back good news ang hatid ng unang araw ng buwan ng Hunyo para sa mga Bacooreño. Matapos ang kasunduan sa foodpanda.ph kaninang umaga, ngayong hapon naman ay may isa na namang partnership sa pagitan ng Pamahalaang Lokal ng Bacoor at pribadong sektor na maghahandog ng alternatibong kabuhayan sa mga tricycle drivers ng lungsod.
Nagpirmahan na ang Pamahalaang Lokal ng Bacoor at ang Joyride and Happy Move na isa ding transport delivery service company ng kasunduan kung saan magbibigay ng pagkakataon sa mga tricycle drivers ng Bacoor para makapagtrabaho bilang ‘biker partners’ ng nabanggit na kumpanya. Kabilang sa mga dumalo ng contract signing sina Joyride and Happy Move President Neil Sherwyn Uy, Bacoor PESO Head Dr. Abraham de Castro, Bacoor Legal Affairs Office Head Atty. Bernadette Carrasco, CIO Head Andrianne Mark Ng, at mga representante ng Bacoor TODA at BTMD. Batid ni Mayor Lani Mercado Revilla na marami tayong kababayan na na-displace sa kani-kanilang hanapbuhay dahil sa sitwasyon na dinulot ng pandemya lalo na sa mga tricycle drivers, kaya buong-pusong tinatanggap ni Mayor Lani ang mga ganitong pagkakataon na nagbibigay ng alternatibong trabaho para sa mga Bacooreño.