Nilagdaan nina Manila City Mayor Joseph Ejercito Estrada at Bacoor City Mayor Lani Mercado Revilla ang isang sisterhood agreement sa pagitan ng kani-kanilang lungsod noong Misyerkules sa Manila Hall. Sumaksi sa makasaysayang paglagda ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Maynila at Bacoor.
Sa kanyang talumpati, inugat ni Estrada ang malalim na ugnayan ng dalawang siyudad na nagsimula pa noong panahon ng mga Kastila sabansa. Ang kauna-unahang kura paroko ng Bacoor na si Padre Mariano Gomez ay isang Manilenyo, ipinanganak sa Sta. Cruz, Manila, nag-aral sa Letran College sa Intramuros, Manila, at nagtapos ng Theology sa University of Sto. Tomas sa Sampaloc, Manila.
Sinusugan ni Mercado Revilla na magkasama ang mga Manilenyo at Kabitenyo, kasama ang mga Bacoorenyo, sa himagsikan laban sa Kastila noon at magkasama a rin ngayon sa himagsikan laban sa kahirapan tungo sa asenso at kaunlaran.
Samantala, binanggit ni Estrada ang dalawang larangang pinag-uugnayan nila ni Mercado Revilla, ang pelikula at politika. “Hindi ko man naging leading lady si Lani sa mga pelikula ko, magka-partner naman kami ngayon dito,” aniya.
Sang-ayon naman kay Mercado Revilla, Isa pang nag-uugnay sa Maynila at Bacoor ay ang magkarugtong na daloy ng Manila Bay at Bacoor Bay. Ang sabi niya, “Dito pa lang, marami nang mga inisyatibang puwedeng mapagtulungan sa usapin ng environmental protection, livelihood, health, tourism, transport facilities, business investments, at marami pa.”
Bilang pangwakas, pormal na inanyayahan ni Mercado Revilla ang marching band ng Maynila na lumahok sa gaganaping MUSIKO 2017, the Grandest Marching Band Parade and Drill Competition. Ang magwawagi rito ang siyang magiging official marching band na kakatawan sa Pilipinas sa gaganaping International Marching Band Competition sa lungsod ng Bacoor, ang tinaguriang Marching Band Capital of the Philippines.
Binigyang-diin ni Mercado Revilla sinadyang ganapin ang pangdaigdigang patimpalak ng mga marching bands sa buwan ng Hunyo 2018 para maitaon sa pagdiriwang ng cityhood anniversaries ng sister cities – Hunyo 23 sa Bacoor at Hunyo 24 sa Maynila.
Pagkatapos ng paglagda ng sisterhood agreement, nagpaunlak sina Estrada at Mercado Revilla na magduweto ng kanilang rendisyon ng klasikong awitin na “Kahit Na Magtiis” na ikinagalak ng mga naroon opisyales ng pamahalaang lungsod ng Maynila at Bacoor.
081617_Signing Ceremony of the Sister City Agreement — City of Manila & City of Bacoor#AlagangAteLani #1Team1Love1Bacoor
Nai-post ni Alagang Ate Lani Mercado Revilla noong Huwebes, Agosto 17, 2017