Ang Pamahalaang Lungsod ng Bacoor sa pamumuno ni Mayor Strike B. Revilla katuwang ang Bacoor Traffic Management Department at sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Office ay malugod na ibinabalita sa inyo ang patungkol sa makabagong sistema upang gawing mas maayos ang pagpapatupad ng mga panuntunan sa trapiko at kaligtasan sa ating lungsod.
Ang pagsubok at pagsasanay ng ating mga Bacoor Traffic Enforcers sa pag gamit ng mga handheld device na direktang konektado sa database ng LTO ay sinimulan na noong April 16, 2024, at magpapatuloy hanggang December 2024. Ang mga device na ito ay nagbibigay autoridad sa ating mga enforcer na magbigay ng citation tickets sa mismong lugar, na ngayon ay tatanggapin bilang katumbas ng tradisyonal na Ordinance Violation Receipt (OVR). Mahalaga para sa lahat ng tatanggap ng mga tiket na ito na ayusin ang kanilang mga multa sa loob ng 72 oras upang maiwasan ang anumang demerit points sa kanilang mga lisensya sa pagmamaneho.
Ang makabagong sistemang ito na kilala bilang LTO-LGU Interconnectivity, ay alinsunod sa RA 10930, na nag-uutos sa mga local government units na i-ulat ang lahat ng mga lisensya ng mga driver na na-apprehend sa loob ng ating lungsod. Ipinagmamalaki ni Mayor Strike B. Revilla ang kolaborasyong ito sa pagitan ng Lungsod ng Bacoor at ng LTO, dahil ito ay nagpapakita ng ating dedikasyon sa pagpapahusay ng kaligtasan sa daan at disiplina sa trapiko.
Hinihimok ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor ang lahat ng stakeholders, mga residente, at mga bisita, na gawing prayoridad ang pagsunod sa mga patakaran sa trapiko at i-practice ang mahusay na road courtesy. Sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagsunod sa mga regulasyong ito, makakabawas tayo nang malaki, kundi man tuluyang maalis, ang mga aksidente sa kalsada sa Bacoor.
Tandaan, BASTA BACOOREÑO DISIPLINADO, SUMUSUNOD SA BATAS TRAPIKO!