Isang matagumpay na seremonya ng pagtatapos ang idinaos ngayong araw, Hunyo 27, 2024, sa Strike Gymnasium. Ang programa, na pinamagatang “Ang Kaalaman at Kasanayan ang Puhunan sa Pangmatagalang Kapakinabangan,” ay inorganisa ng City Livelihood and Development Department upang parangalan ang 499 graduate scholars mula sa Revilla Center at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Tampok sa programa ang mensahe ng ama ng lungsod ng Bacoor, Mayor Strike B. Revilla, na ipinaabot sa pamamagitan ng isang video message. Dinaluhan rin ito ng ina ng lungsod, Congresswoman Lani Mercado Revilla, kasama sina Vice Mayor Rowena Bautista-Mendiola bilang Acting City Mayor, at Pastor Mike Bautista mula sa Bacoor City Transformation Office. Kasama rin sa mga nagbigay-pugay si Mrs. Carmelita F. Gawaran, OIC ng City Livelihood and Development Department.
Ang mga nagtapos ay binubuo ng 251 scholars mula sa Revilla Center at 248 scholars mula naman sa TESDA, na nagresulta sa kabuuang 499 graduate scholars. Ang mga kursong kanilang natapos ay mula sa iba’t ibang larangan tulad ng Beauty Therapy, Body Massage, Arts and Crafts Using Recyclable Materials, Cake Making Leading to Bread and Pastry Production NC II, at marami pang iba.
Ang nasabing pagtatapos ay nagpakita ng dedikasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor, sa pangunguna ni Mayor Strike B. Revilla, sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon at pagsasanay sa kanilang mga mamamayan, na naglalayong mapaunlad ang kanilang kaalaman at kasanayan para sa pangmatagalang kapakinabangan.