Lungsod ng Bacoor, Hulyo 2, 2025 – Pormal nang inilunsad sa Bacoor Public Market ang kauna-unahang Kadiwa ng Pangulo sa buong Luzon, na nag-aalok ng bigas sa halagang 20 pesos kada kilo. Bahagi ito ng proyektong “Para sa Masaganang Bagong Pilipinas,” na pinangunahan ng Office of the President, Department of Agriculture (DA), at ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor.
Personal na dumalo ang ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagbubukas ng programa, kasama si Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr., Mayor Strike B. Revilla, Vice Mayor Rowena Bautista Mendiola, Congresswoman Lani Mercado Revilla, Congressman Bryan Revilla ng Agimat Partylist, mga miyembro ng Sanguniang Panglungsod, Liga ng Barangay, at SK Federation.
Layunin ng programa na makatulong sa mga benepisyaryo tulad ng mga miyembro ng 4Ps, PWDs, senior citizens, at solo parents upang magkaroon sila ng abot-kayang bigas bilang bahagi ng pagsuporta ng gobyerno sa seguridad sa pagkain at pagpapagaan ng buhay ng mga Pilipino.
Bagamat may mga hamon sa hindi palagian at panandaliang kakulangan sa supply ng bigas, patuloy ang City Government of Bacoor sa pakikipag-ugnayan sa DA upang mas mapalawak at mapatatag ang programa. Kasalukuyang binabalangkas ang mga guidelines upang masiguro ang maayos at tuloy-tuloy na implementasyon ng proyekto.