Bacoor City, Cavite – Sa ilalim ng direktiba ni Mayor Strike B. Revilla, ang Pamahalaang Lungsod ng Bacoor ay opisyal nang naghain ng mga kasong kriminal ngayong araw, Hulyo 16, 2024, laban sa mga indibidwal na natuklasang gumagamit ng pekeng Solidarity Route Stickers. Ito ay paglabag sa City Ordinance Nos. 322-2023 at 255-2023.
Ang hakbang na ito ay nagpapatibay sa pangako ng pamahalaang lungsod na mapanatili ang integridad ng sistema ng transportasyon sa Bacoor at maprotektahan ang komunidad laban sa mga mapanlinlang na gawain gaya ng pagbenta at paggamit ng pekeng solidarity sticker.
Ang paghahain ng kaso na inorganisa ng Office of the City Legal Service, ay naganap ngayong umaga ng alas-10 ng umaga sa Hall of Justice sa lumang City Hall ng Bacoor. Katuwang ng Office of the City Legal Services ay ang Bacoor Traffic Management Department nag nagpapatupad ng batas trapiko sa Bacoor at ng E-Governance and Management Information System na namamahala sa pagrerehistro at pamamahagi ng mga Solidarity Route Stickers.
Dito ay binigyang diin ni Mayor Strike B. Revilla ang kahalagahan ng aksyon na ito. Ayon sa kanya, ang paggamit ng mga pekeng Solidarity Route Stickers ay hindi lamang sumisira sa ating sistema ng transportasyon kundi nagdudulot din ng panganib sa kaligtasan at tiwala ng ating komunidad. Pinaalalahanan din nito ang lahat na patuloy lamang ang lokal na pamahalaan na magsasagawa ng mahigpit na aksyon laban sa mga ilegal na gawain upang matiyak ang kapakanan ng ating mga mamamayan.
Higit sa lahat, mahigpit na hinihikayat ng Pamahalaang Lungsod ang lahat ng residente na sumunod sa mga regulasyon ng lungsod at iwasan ang pakikilahok sa mga ilegal na gawain na nagdudulot ng panganib sa kaligtasan at tiwala ng publiko. Hinihikayat din ang lahat ng nabigyan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) dahil sa paggamit ng mga pekeng Solidarity Route Stickers na magbayad na ng penalty dahil pursigido ang Pamahalaang Lungsod ng Bacoor na kasuhan ang lumalabag sa mga ordinansa ng siyudad.