Hunyo 26, 2024 — Isang makahulugang paggunita ang naganap kahapon sa St. Dominic College of Asia sa pamamagitan ng isang Candle Light Ceremony. Ang seremonya ay isang simbolikong pagpaparangal sa mga kapwa nating Bacooreño at mga Pilipinong pumanaw dahil sa komplikasyon ng sakit na AIDS dulot ng HIV.
Ang pagdiriwang ay pinangunahan ng City Government of Bacoor sa pamumuno ng CHO Department, sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Ivy Yrastorza, at ng Social Hygiene Clinic na pinamumunuan ni Dr. Michael Angelo Marquez. Layunin ng programa na magbigay-alala sa mga biktima ng AIDS habang nagbibigay din ng suporta sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.
Ang seremonya ay sinimulan sa pamamagitan ng isang panalangin, kasunod ang pagsisindi ng kandila bilang tanda ng pag-alaala. Kabilang sa mga nagsindi ng kandila at nagbigay ng kanilang mensahe ay sina Vice Mayor Rowena Bautista Mendiola, City Councilor Rey Palabrica, SK Federation President Palm Buncio, Dr. Ivy Yrastorza (CHO Head), Father Richmond Rodrin Tadepa, Mr. Jonathan Velustria Sta Ana (Director for Administrative Support and Services), Ms. Teresita Bai Bagaso (Epic Country Director), Mr. Russel Tabisula (PSFI Protects), Mr. Karl Yuan (St. Dominic College of Asia Student Organization President), Ms. Dinah Camille Patos (Vice President, Lakbayin HIV Aids Support Group), Mr. Pablito Cid Bosano (Strike Rainbow Coalition), Mr. Joshua Cua (Aves Civic Society Group), at Ms. Julliene Christine Aurellado (DOH Region IV-A Calabarzon).
Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin ng mga tagapagsalita ang kahalagahan ng pagkakaisa, pag-asa, at patuloy na pag-suporta sa mga taong apektado ng HIV. Ang seremonya ay nagbigay ng inspirasyon at nagpaalala sa lahat ng kahalagahan ng pagtutulungan at malasakit sa kapwa, lalo na sa mga nakikipaglaban sa sakit na dulot ng HIV.
Sa pamamagitan ng simpleng seremonya na ito, ipinakita ng Lungsod ng Bacoor sa pangunguna ni Mayor Strike B. Revilla, ang kanilang patuloy na suporta at pagmamahal sa mga biktima ng AIDS at kanilang mga pamilya, habang pinapaigting ang kamalayan at edukasyon tungkol sa sakit na ito.