cIsang Cavite Career Caravan o Job Fair ang ginanap sa Somo Vista Mall sa Barangay Molino 4 kahapon, Hunyo 20, 2024. Ang kaganapan na ito ay pinangunahan ng Opisina ni Governor Jonvic Remulla, katuwang ang Public Employment Service Office (PESO) ng Lalawigan ng Cavite.
Tinatayang umabot sa apatnaraan (400) na aplikante, karamihan ay mga kabataang Caviteño, ang dumalo sa Job Fair. Limampung (50) kompanya naman ang nakilahok at nagsagawa ng mga interview sa mga ito.
Naging katuwang din ng Cavite Career Caravan ang mga ahensya tulad ng NBI, PSA, BIR, SSS, PAG-IBIG, PhilHealth, TESDA, at OWWA. At dahil sa Bacoor ginanap ang programa, siniguro ng PESO, sa pangunguna ni Dr. Abraham De Castro, na maayos at kumportable ang bawat aplikante na nakiisa sa Job Fair.
Naging panauhin at tagapagsalita rin dito sina Dr. Abraham De Castro (Department Head 1, PESO-OFW HD), Coun. SK Chairw. Palm Buncio, Ms. Angie Cariaso, Board Member Chelsea Jilian G. Sarno, Mr. Demetrio C. Villanueva (Labor and Employment Officer I, Provincial PESO), Ms. Marivic Martinez (RD ng DOLE), Ms. Anne Marie Faye Gloria (Senior Labor and Employment Officer, DOLE Provincial, Cavite), Mr. Jeff (Marketing Manager ng Somo), Mr. Eric Mercado (Regional Director ng NBI Calabarzon), at si Ms. Clarita Casing (Dept. Head ng PESO Office).
Ang matagumpay na kaganapan ay nagbigay ng mahalagang oportunidad sa mga kabataang Caviteño na makahanap ng trabaho at magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan. Ang pagsusumikap ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor, sa pangunguna ni Mayor Strike B. Revilla, katuwang ang PESO at iba’t ibang ahensya, ay patunay ng kanilang dedikasyon sa pagtulong sa komunidad.