Pinangunahan ng Bacoor City Health, kasama ang Bacoor Social Hygiene Council, ang isang mahalagang multi-sectoral meeting sa Strike Multi-purpose Hall noong Pebrero 27, 2024. Layunin ng pagtitipon na sagutin ang nakababahalang pagtaas ng kaso ng HIV sa lungsod.
Dumalo sa pagtitipon ang ating 24/7 Mayor Strike B. Revilla. Sinamahan din siya nina Hon. Reynaldo Palabrica, Vice President ng Liga ng mga Barangay na si Randy Francisco, City Health Officer na si Dr. Ivy Yrastorza, Supervising Tourism Operations Officer na si Edwin Guinto, Medical Officer III ng Bacoor Social Hygiene Clinic na si Dr. Michael Angelo Marquez, DOH Representative na si Dr. Armida Camposagrado, at si Mr. Joseph Cua mula sa LGBT Organization.
Ipinresenta ni Dr. Michael Angelo Marquez ang mga tagumpay ng Bacoor Social Hygiene Clinic sa mga nakaraang taon. Kasabay nito, nagpapakita rin siya ng nakababahalang pagtaas ng kaso ng HIV sa buong lungsod. Lumitaw sa datos na maraming kaso sa mga indibidwal na may edad na 25-34, na sinundan ng mga may edad na 18-24.
Sa pagpapahayag ng kanyang pag-aalala, nag-utos si Mayor Strike B. Revilla ng pangangampanya sa pamamagitan ng social media upang maiparating sa mga residente ng Bacoor ang kahalagahan ng HIV at ang pangangailangan na magpakonsulta. Ang gamutan para dito ay libre at maaring makuha sa mga health center ng lungsod.
Nagtapos ang pagtitipon sa isang buo at nagkakaisang pasya na magtulungan sa isang malawakang kampanya ng kaalaman upang ipaalam sa mga residente ang mga preventive measures at ang mga libreng serbisyong available sa mga health center. Ang Bacoor City Health, kasama ang kanilang mga ahensya, ay nagpahayag ng kanilang pangako na tugunan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV at tiyakin ang kaligtasan ng komunidad.
Please like and follow our official social media accounts:
Instagram: https://www.instagram.com/citygovtbacoor/
StrikeAsOne Viber Community: https://invite.viber.com/…
Maraming salamat po.