Sa pagdiriwang ng ika-355 Founding Anniversary – Bakood Festival 2026, lumahok ang 50 marching bands mula sa iba’t ibang organisasyon sa isang makulay at masiglang Marching Street Parade na ginanap sa kahabaan ng Evangelista Road, Bacoor, Cavite.
Tampok sa parada ang makukulay na kasuotan, masiglang tugtugin, at masayang sayawan na nagbigay-buhay sa mga lansangan. Dinaluhan ito ng mga residente at bisita na nakiisa at nasaksihan ang engrandeng selebrasyon na nagpapakita ng mayamang kultura at tradisyon ng Bacoor, na kilala bilang “Marching Band Capital of the Philippines.”
Upang masiguro ang kaligtasan ng mga kalahok at manonood, nagtalaga ang Bacoor Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRRMO) ng mga standby Emergency Medical Services (EMS) sa buong ruta ng parada.
Layunin ng deployment na agad na makatugon sa anumang medical emergency at makatulong na matiyak ang ligtas at maayos na pagdaraos ng Marching Street Parade para sa lahat.