Sa ganap na 10:16 ng gabi araw ng Linggo, November 1, ay nagsimula ang apoy sa isang bahay sa Barangay Alima at agad na naitaas sa 4th Fire Alarm sa ganap na 10:46 PM. Ayon sa ulat ng BFP Bacoor, may naitalang dalawang residente ang nasaktan. Umabot naman sa 398 na pamilya na mayroong 1,641 na indibidwal ang naapektuhan sa sunog. Umabot sa katabing barangay, ang Barangay Sineguelasan, ang sunog mula sa Alima. Naideklara namang tuluyan nang naapula ang sunog sa ganap na 1:28 ng madaling araw.
Agarang inilikas ang mga naapektuhan sa sunog sa may apat na evacuation centers:
1. Bacoor Elementary School (Alima): 64 pamilya, 271 katao mula Sineguelasan
2. Alima Elementary School: 290 pamilya, 1,233 katao
3. Jesus is Lord Church: 1 pamilya, 4 katao
4. Alima Senior High School: 33 pamilya, 133 katao
May 79 firetrucks naman ang nagresponde. 66 mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Cavite at NCR. 10 firetrucks mula sa BFP at 3 naman mula sa Lungsod ng Bacoor.
Ayon kay Mayor Lani Mercado-Revilla, ang 398 pamilyang apektado ay makakatanggap ng P10,000 bawat pamilya bilang tulong ng Lokal na Pamahalaan. Inaasahan din na maaaring tumagal mula dalawang linggo hanggang isang buwan ang pagkakalagak ng mga evacuees sa mga evacuation centers.
Sa ngayon ay tinutukoy pa din ang dahilan ng sunog. Napag-alaman sa initial report ng BFP Bacoor na nagsimula ang sunog sa isang bahay sa Brgy. Alima. Pinabubulaan ng Lokal na Pamahalaan ang ispekulasyon na arson o sinadya ang pangyayaring sunog sa lugar. Nagpapatuloy pa din hanggang sa ngayon ang malalim na imbestigasyon sa insidente.