Isang Makasaysayang Batas, sa isang Makasaysayang Lungsod. Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12073 noong Nobyembre 7, 2024. Sa ilalim ng batas na ito, ang Agosto 1 ay idineklara bilang isang special working holiday na tatawaging “Araw ng Paglalathala at Pagtatanyag ng Kasarinlan ng Pilipinas.”
Ito ay bilang paggunita sa Bacoor Assembly noong Agosto 1, 1898, kung saan isinapubliko ang Acta ng Kalayaan—ang dokumentong naghayag ng ating kasarinlan na kalauna’y pinagtibay ng Malolos Congress bilang Acta Agosto Uno.
Ang Bacoor ay hindi lamang tahanan ng kasaysayan—ito rin ay tagapagtaguyod ng pambansang pagkakakilanlan at pagmamahal sa bayan.
Ipinagmamalaki ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor na dito isinilang ang isang batas na nagbibigay-pugay sa ating kasaysayan at kalayaan.


