atin pong binisita ang mga kababayan nating naging biktima ng sunog sa Barangay Alima at Barangay Sineguelasan. Sila ngayon ay pansamantalang nakalagak sa apat na evacuation centers: Bacoor Elementary School, Alima High School, Sineguelasan Elementary School at St. Michael Institute, at mayroon din sa Jesus is Lord Church sa Alima.
Sa ngayon ay nakapagtala tayo ng 700 families na naapektuhan na aabot sa may 3,500 na indibidwal. Ang 595 pamilya (2,795 katao) ay nagmula sa Barangay Alima habang ang 105 pamilya (525 katao) ay nagmula naman sa Barangay Sineguelasan.
Ako ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng mga tumulong lalo na ang may 79 firetrucks na agarang sumaklolo upang maapula ang apoy kaninang madaling araw. Ang 66 firetrucks ay nagmula sa iba’t ibang bayan at siyudad sa NCR at Cavite.
Nagpapasalamat din ako sa National Government dahil agad silang tumugon sa aking pagtawag sa 911 habang nagaganap ang sunog. Saludo din sa Bureau of Fire Protection of the Philippines na nagpadala ng kanila 10 firetrucks. Lalo’t higit ang ating pasasalamat sa BFP Bacoor sa pangunguna ni Fire Marshall Genalyn Cabascal.
Matapos na maapula ang sunog ay kagyat na inihatid ang mga biktima sa mga eskwelahan sa tulong ng ating BDRRMO, CSWD, at Barangay officials sa pakikipagtulungan sa DepEd Bacoor.
Halos isang araw pa lamang ang nakalipas ay dumagsa na ang tulong sa ating mga kababayan mula sa iba’t ibang organisasyon, simbahan, OFWs, at sa ating mga karatig na lungsod at bayan sa ating lalawigan.
Sa ating pagbisita, binalita natin sa mga biktima na ang bawat pamilya ay makakatanggap ng sampung libong piso (P10,000) para magamit sa kanilang muling pagbangon. Inaasahan natin na aabot sa may dalawang linggo hanggang isang buwan ang kanilang pananatili sa ating mga evacuation areas. Patuloy nating titiyakin ang kanilang makakain sa araw-araw.
Sa ngayon ay masusi pa ding iniimbestigahan ang pinagmulan ng sunog.
Gagawin natin ang lahat para muling maibalik sa kanilang buhay at pamumuhay ang ating mga kababayan.
Kapit lang, Alima at Sineguelasan! Laban lang, mga kababayan! Kapag tayo ay sama-sama at tulong-tulong, malalagpasan natin ang pagsubok na ito.
Manalangin tayong lahat. Ingat po ang lahat!