Ang bawat isa ay may kuwentong pinagmulan. May mga pagkakataong nagkakamali tayo, may mga desisyong pinagsisisihan, ngunit hindi nangangahulugang dito na magtatapos ang lahat. Minsan, ang kailangan lamang ay isang pagkakataon upang makabangon at makapagsimula muli.
Ito ang mensaheng nais ipaabot ng PESO Bacoor sa mga babaeng Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Female Ward ng BJMP Bacoor nang imbitahan ang tanggapan bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week (NACOCOW) 2026.
Sa pangunguna ni Dr. Abraham Domingo de Castro, PESO Manager, nagsagawa ng isang talakayan at pagsasanay para sa mga babaeng malapit nang lumaya. Tinuruan sila kung paano maghanda at sumagot nang maayos sa job interviews, gumawa ng resume, manamit nang angkop sa paghahanap ng trabaho, at magpakita ng tamang asal at kumpiyansa sa pakikipag-usap sa mga employer.
Nagbahagi rin si Dr. de Castro ng mahahalagang Labor Market Information upang maipakilala sa kanila ang mga oportunidad sa trabaho, mga kasanayang kailangan sa iba’t ibang industriya, at mga posibleng hanapbuhay na maaari nilang pasukin sa kanilang pagbabalik sa komunidad. Mahalaga na bago pa man sila makalaya, mayroon na silang ideya kung saan magsisimula at kung paano muling bubuuin ang kanilang buhay…dahil naniniwalang ang PESO Bacoor sa “power of second chances”.
Hindi rin nakalimutan sa talakayan ang mga programang at ordinansa ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor na nagbibigay-proteksiyon at suporta sa mga sektor na nangangailangan ng higit na pagkalinga. Sa pamumuno ni Mayor Strike B. Revilla, sa tulong ni Vice Mayor Rowena Bautista-Mendiola at ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, isinusulong ang mga patakarang nagbibigay ng pantay na pagkakataon at access sa mga serbisyong panlipunan.
Kabilang dito ang mga hakbang para sa kapakanan ng mga PDL, gaya ng pagtatatag ng health clinic sa mga male at female dormitories sa ilalim ng City Ordinance No. 384-2024; mga programang pangkabuhayan at skills training sa pamamagitan ng R.E.V.I.L.L.A. Center; at ang Senior Citizens and PWD Employment Incentive Ordinance na naglalayong buksan ang mga oportunidad sa trabaho para sa mga senior citizens at PWDs.
Ang mga programang ito ay nagpapakita na ang serbisyo ng pamahalaan ay hindi lamang para sa iilang sektor. Ito ay para sa lahat, lalo na sa mga taong nangangailangan ng pagkakataong makabangon at muling makibahagi sa lipunan.
Ang NACOCOW, na ipinagdiriwang tuwing huling linggo ng Oktubre alinsunod sa Presidential Proclamation No. 551, Series of 1995, ay isang paalala na ang rehabilitasyon ay hindi nagtatapos sa loob ng piitan. Mahalaga rin ang pagtanggap at pakikiisa ng pamilya, pamahalaan, pribadong sektor, at buong komunidad upang maging matagumpay ang pagbabalik ng mga PDL sa lipunan.
Para sa PESO Bacoor, hindi natin dapat tingnan ang isang tao batay lamang sa kanyang nakaraan. Mas mahalagang makita ang kanyang kakayahang magbago, matuto, magtrabaho, at maging produktibong mamamayan.
Dahil ang tunay na pagbabago ay hindi lamang nasusukat sa paglabas sa piitan, kundi sa kakayahang mamuhay nang marangal, magkaroon ng hanapbuhay, makatulong sa pamilya, at muling maging bahagi ng komunidad.
Sa PESO Bacoor, naniniwala tayo na ang bawat pagkakataong ibinibigay ay maaaring maging simula ng isang mas magandang kuwento.
Walang taong dapat pagkaitan ng pagkakataong magbago. Dahil sa bawat bagong simula, may bagong pag-asa.


